[Blueboard] Isang paanyaya sa Propesoryal na Lektura tungkol sa "Ang Dalawang Halimaw ni Mars Ravelo, at Ilang Panimulang Talâ sa Pagbabasá ng Komiks bílang Disiplina" ni Dr. Edgar Calabia Samar

Dj Andres dandres at ateneo.edu
Mon Nov 23 09:43:45 PHT 2015


Malugod po kayong inaanyayahan ng Office of the Associate Dean for Research
and Creative Work at ng

University Research Council sa



Propesoryal na Lektura  ni Dr. Edgar Calabia Samar



"Ang Dalawang Halimaw ni Mars Ravelo, at Ilang Panimulang Talâ sa Pagbabasá
ng Komiks bílang Disiplina"



Ito ay gaganapin sa ika-26 ng Nobyembre 2015, 4:30PM - 6:00PM sa 5/F, New
Rizal Library.



Ilalatag sa unang bahagi ng panayam ang kondisyon ng kasalukuyang
pagbabasá, pananaliksik, at pag-aaral ng komiks sa bansa, at ang malaking
kahingian sa pagkakaroon ng isang katanggap-tanggap na artsíbo––masaklaw at
masinop––at espasyo para rito sa loob ng akademya. Kaugnay nito,
ipakikilala ang kasalukuyang klase sa Komiks at Kababalaghan at ang
pagsisikap na pasimulan ang website na NobelangKomiks.com. Sa ikalawang
bahagi, susubukin ang isang paraan ng pagbása sa komiks nang nakatuon sa
imahinasyon nito ng kagila-gilalas at kung paano nilikha ni Mars Ravelo,
isa sa mga matagumpay na awtor ng komiks sa Filipinas, ang dalawang larawan
ng halimaw sa mga pinakapopular niyang nobelang komiks: ang Darna (1950,
guhit ni Nestor Redondo) at Dyesebel (1952, guhit ni Elpidio Torres).
Sisipatin dito ang pangangailangan ng mga nobelang komiks sa paghaharaya sa
halimaw upang lumikha ng diskurso sa pagkatao sa mga paraang hindi tuwirang
hinarap ng pagsusulat ng nobelang prosa sa bansa.







*Si EDGAR CALABIA SAMAR ay nagtuturo ng panitikan at malikhaing pagsulat sa
Ateneo de Manila University, at isang premyadong manunulat. Kumuha siya ng
AB Psychology (2002) at MA in Literature-Filipino (2004) sa Ateneo, at
nagtapos naman siya ng doktorado para sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad
ng Pilipinas sa Diliman noong 2011, kung saan siya pinarangalan ng Gawad
Antonio Abad para sa Pinakamahusay na Disertasyon ng Kolehiyo ng Arte at
Literatura. Nagwagi na ang kaniyang mga akda sa Palanca Memorial Awards for
Literature, PBBY-Salanga Writer’s Prize, Gawad Komisyon sa Tula,
Gantimpalang Collantes, at NCCA Writer’s Prize. Ilan sa mga aklat niya ang
Eight Muses of the Fall (salin sa Ingles ng una niyang nobelang Walong
Diwata ng Pagkahulog, na longlisted din sa 2009 Man Asian Literary Prize),
at Sa Kasunod ng 909 at Halos Isang Búhay: Ang Manananggal sa Pagsusulat ng
Nobela na parehong nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics
Circle at National Book Development Board bílang Pinakamahusay na Nobela at
Pinakamahusay na Aklat ng Kritisismo noong 2013. Noong 2014, inilathala ang
una sa serye ng kaniyang nobelang young adult na Si Janus Silang at ang
Tiyanak ng Tábon; ngayong taon, inilathala naman ang aklat niyang 101
Kagila-gilalas na Nilalang, isang sanggunian ng mga tauhang pantastiko mula
sa ating mga akdang-bayan. Nasimulan at natapos niya ang mga ito bílang
Research & Creative Work (RCW) Faculty sa Ateneo. Kasalukuyan siyang kasapi
ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at Filipinas Institute of
Translation (FIT), dalawa sa mga pangunahing samahan ng mga makata at
tagasalin sa bansa. Nakapagbigay na siya ng mga panayam sa panitikan, wika,
kulturang popular, at malikhaing pagsulat sa iba’t ibang panig ng Filipinas
mula sa Batanes sa Hilagang Luzon hanggang Lungsod Zamboanga sa Katimugang
Mindanao, gayundin sa labas ng bansa, tulad ng China, Thailand, at Estados
Unidos, na nag-imbita sa kaniya noong 2010 bilang writer in residence sa
International Writing Program ng University of Iowa.





Ito panayam na ito ay inihahandog sa tulong ng Office of the President,
Paaralang Humanidades, Kagawaran ng Filipino, at ng Rizal Library.



Ang panayam ay bukas at libre sa lahat ng nais makilahok. May munting
meryenda sa pagtatapos ng panayam. Sa lahat ng nais dumalo, maaari po
lamang magpalista sa https://goo.gl/RrbA7g.






Djoanna Paula C. Andres
Office Staff
Office of Associate Dean for Research and Creative Work
Ateneo de Manila University
Telephone: 426 6001 local 5046
Fax: 426 5663
-------------- next part --------------
An HTML attachment was scrubbed...
URL: https://lists.ateneo.edu/pipermail/blueboard/attachments/20151123/408a875f/attachment-0001.html 


More information about the Blueboard mailing list